Ni Margot Gonzales
ILAN sa mga Internet Cafe sa University Belt ay wala pa ring planong magbukas sa Lunes sa kabila na may hudyat na mula sa IATF para sa kanilang pagbabalik operasyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa 30 percent capacity ay maari nang magbukas ulit ang mga negosyo gaya ng Computer Shops.
“Simula ngayong Sabado, a-uno ng Agosto, pinapayagan na po sa mga GCQ ang sumusunod at 30% operational capacity: ang testing and tutorial centers, review centers, gyms, fitness centers and sports facilities, internet cafes, personal grooming and aesthetic services, hair, nails, skincare except full body massage – bawal pa po, pet grooming at drive-in cinemas,” ani Roque.
Matatandaan na ipinangako ng IATF na dahan-dahang bubuksan ang ekonomiya sa pamamagitan ng unti-unting pagbubukas ng mga negosyo.
Ilan naman sa mga negosyong hindi pa pinapayagang magbukas ay mga kids amusement, beerhouse, operasyon ng mga sabungan, at iba pang non-essential businesses.
Samantala, ang full body massage, tattoo and body piercing, live events, entertainment industries, libraries, archives, museums and cultural centers, tourist destinations, language, driving, dance, acting and voice schools ay pinapayagan lamang sa mga lugar na nasa MGCQ.