Ni Cresilyn Catarong
PUSPUSAN na ang pagtatrabaho ng pamahalaan para tugunan ang report ng Department of Health (DOH) na nasa ‘danger zone’ na ang isolation beds partikular sa Metro Manila para sa COVID-19 patients.
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tinatrabaho na ni Treatment Czar Health Undersecretary Leopoldo Vega ang pangangasiwa sa mga ospital sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng One Hospital Command Center Strategy.
Dagdag pa ni Roque, epektibo rin ang tinatawag na referral system kung saan kapag nasa full capacity na ang isang ospital, maaaring i-refer ang pasyente sa iba pang ospital na kaya pang magbigay ng sapat na akomodasyon ng COVID-19 case.
Ipinunto rin ng tagapagsalita ng Palasyo na daragdagan ng gobyerno ang bed capacity para sa COVID-19 patients sa napipintong pagkaubos ng isolation at ICU beds na okupado na ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus.
Iginiit pa ni Roque na isang posibleng solusyon ay itaas ang bed capacity para sa COVID-19 cases sa government hospitals sa 50% habang sa mga pribadong ospital ay itaas sa 30%.
Batay sa datos ng DOH, nasa ‘danger zone’ na ang isolation beds na naitala sa 82 porsiyento, ward beds sa 89% habang nasa ‘warning zone’ naman ang ICU beds na naitala sa 69 porsiyento.
Paliwanag pa nito na ang nasabing bilang ay bunsod ng 30 porsiyento lamang na bed capacity ang inilalaan ng mga pampublikong ospital para sa mga kaso ng COVID-19, habang sa mga pribadong ospital ay 20 porsiyento lamang.