Ni Jao Gregorio
NAIS ngayon ni Senator Sherwin Gatchalian na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga kabataan para mabawasan ang posibleng banta ng COVID-19 infection.
Batay aniya sa inilabas na report ng World Health Organization, karamihan sa may malubhang sitwasyon dahil sa COVID-19 ay napag-alamang mga naninigarilyo.
Ayon naman sa Global Youth Tobacco Survey, lumalabas na 17.6 % ng mga kabataang lalaki edad 13-15 at 7% ng mga kabataang babae ng kaparehong gulang sa bansa ay naninigarilyo.
Kasunod nito ay nais din ng mambabatas na maging smoke-free country ang Pilipinas para maiwasan na rin ang kumplikasyon sa sakit kagaya ng COVID-19.
Masosolusyunan naman ani Gatchalian ito kung mas pagtutuunan ng mga local farmers ang pagtatanim ng mas kapaki-pakinabang na agricultural crop kaysa magtanim ng tabako.
Matatandaang nitong nakaraang taon nang ipinanukala ni Gatchalian ang tax hike na 70 pesos per pack sa mga tobacco products at gagamitin ang makukuhang buwis para pondohan ang Universal Health Care Program ng pamahalaan.