IBINASURA ng Davao City Prosecutor’s Office ang limang kaso na isinampa laban kay Pastor Apollo Quiboloy at limang iba pa.
Kasama sa mga kasong ibinasura ang Rape at Child Abuse sa ilalim ng RA 7610; Physical Abuse, Trafficking in Persons Through Forced Labor, Trafficking in Persons Through Sexual Abuse.
Ang mga ito ay isinampa ni Blenda S. Portugal noong December 19, 2019 laban kay Pastor Quiboloy, Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.
Sa bisa ng Joint Resolution, na may petsang June 29, 2020, ibinasura ni Davao City Prosecutor Nestor Ledesma, kasama ang tatlong iba pang mga Senior Assistant City Prosecutors ang mga naturang kaso.
Ayon kay Atty. Israelito P. Torreon, Chief Counsel ni Pastor Quiboloy, inilabas ang dismissal order ngayong araw, July 7, 2020.
Pagbibigay-diin pa ni Atty. Torreon, nakakalap at naipresenta nila ang maraming mga ebidensya at patunay na walang katotohanan ang mga kasong isinampa ni Portugal.
Dagdag pa ng abogado, nagsampa lang ng kaso si Portugal matapos maglabas ng Warrant of Arrest sa kanya ang Regional Trial Court Panabo City kaugnay naman sa kasong libelo na isinampa ni Pastor Quiboloy laban sa kanya.
Paliwanag pa ni Atty. Torreon, ang mga kaso ay isinampa anim na taon na ang nakalipas na walang sapat na ebidensya, police blotters, medical certificates at iba pang kahalintulad.
Nakita rin ng mga prosecutor ang hindi pagkakatugma ng mga pahayag ng complainant sa preliminary investigation stage.
Ang maling alegasyon din ni Portugal na sexual abuse, saad pa ni Atty. Torreon, ay walang kaakibat na pruweba na sumusuporta sa kanyang mga sinabi.
Isinalaysay rin ng abogado na salungat sa human logic ang alegasyon ni Portugal dahil hindi man lang niya agad sinabihan ang kanyang ama at kapatid na babae, na nasa lugar ng sinasabi niyang pinangyarihan ng krimen, ang umano’y nangyari sa kanya.
Marami ring mga saksi ang nagsabing nagsinungaling si Portugal hinggil sa church event na “Tribute to the King,” ang araw ‘di umano na naganap ang krimen. Ang event at nangyari noong August 29, 2014, at hindi noong September 1, 2014, na pahayag ni Portugal.
Sa naturang panahon ay nasa kanyang main residence sa Prayer Mountain, Tamayong, (Calinan District), Davao City ang butihing Pastor at wala sa Kingdom of Jesus Christ Compound malapit sa international airport na sinalaysay ni Portugal na alegasyong pinangyarihan ng krimen.
May mga witness din na nagpatunay na natulog si Portugal sa kanyang kwarto noong September 1, 2014 at umalis lang kinabukasan noong araw na iyon.
Sa kaso naman na child abuse, nasasaad sa resolusyon na “There is nothing on record which remotely suggests that the complainant is suffering from some sort of psychological trauma owing to her having been psychologically abused by herein Respondents.”
Wala ring sapat na ebidensya na nagpatunay kung paano siyang inabuso o nagtamo ng psychological trauma at kung sino ang gumawa nito sa kanya.
Inihayag din ng Davao City Prosecutor’s office na salungat ang ipinahayag ng complainant na siya ay pinabayaan at inabuso dahil siya at ang kanyang kapatid na babae ay pinag-aral ng libre, binigyan ng mga allowance, libreng tirahan at sinanay din sila sa larangan ng musika.
Ipinunto rin ni Atty. Torreon na tila may “continuing pattern” o may kaugnayan siyang nakikita sa mga aksyon laban sa butihing Pastor na nangyari sa Estados Unidos at dito sa Pilipinas kamakailan lang.
Dagdag pa ng abogado na ang pagkabasura ng kasong cash smuggling laban kay KJC Leader Felina Salinas sa Hawaii at ang pagka-dismiss ng rape at iba pang kaso laban kay Pastor ACQ at ng kanyang mga lider sa Davao City, ang mga kasong harassment ng butihing Pastor ay tuluyan nang mababaon sa limot.