Ni Melrose Manuel
PINANGANGAMBAHAN ngayon ng mga awtoridad ng Hong Kong na mauubusan na ng first-tier isolation beds ngayong linggo dahil sa patuloy na pagtaas ng panibagong kaso ng COVID-19 at bilang ng mga nasawi sa impeksyon.
Ito’y matapos makapagtala ang Hong Kong ng animnapu’t isang bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 at dalawang bagong nasawi sa nakalipas na araw.
Ayon kay Ian Cheung Tsz-Fung, Chief Manager ng cluster performance ng hospital authority, ang first-tier isolation wards ay nakakapagkontrol ng mga mataas na uri ng impeksyon o prayoridad dito ang mga nasa seryosong kondisyon kumpara sa second tier isolation wards.
Sa kasalukuyan, pitumpu’t pitong porsyento ng first-tier beds ay nagagamit ngunit mas mababa ito dahil ang maximum capacity para sa mga COVID-19 patients ay nasa walumpung porsyento.
Samantala, inanunsyo rin ng hospital authority na ilan sa mga community facilities ay maaaring gamitin sa paggamot sa mga COVID-19 patients na nasa maayos na kondisyon bilang tulong para mabawasan ang pasanin sa mga pampublikong ospital.