Ni Justine Nazario
INIREKOMENDA ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson sa Sangguniang Panlalawigan na ideklarang ‘persona non grata’ ang mga komediyanteng sina Long Mejia, Dagul at Gene Padilla.
Kaugnay ito sa paglabag ng mga komediyante sa mga quarantine protocols at pag-iwas sa mga pinaiiral na checkpoints sa nasabing probinsiya.
Batay sa offical statement ni Singson sa Agbiag Ti Ilocos Sur Facebook Page, hindi nila ito-tolerate ang paglabag na ginawa ng tatlong komediyante.
Binigyang-diin din ni Singson ang kahalagahan ng kooperasyon ng lahat maging ng mga kilalang personalidad sa showbiz sa panahong ito ng pandemya at pinag-iingat ang lahat kaugnay sa local transmission laban sa COVID-19.
Samantala, ayon kay Police Chief Master Sergeant na si Benito Ponce, Hulyo 18 nangyari ang insidente pero hanggang ngayon ay walang malinaw na dahilan kung ano ba talaga ang pakay ng tatlo sa kanilang bayan.