Ni Melrose Manuel
PASOK sa No. 4 si reigning World Boxing Association (WBA) Welterweight Titlist Manny Pacquiao sa isinagawang poll ng ‘The Top Tens’.
Ang poll ay pinagbotohan ng mga fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa ‘10 Greatest Boxers of All Time’.
Batay pa sa ginawang poll, pangalan ni Pacquiao ang may pinaka-maraming komento sa lahat ng nasa listahan na umabot sa mahigit isanlibong komento mula sa mga fans nito sa iba’t ibang bansa.
Nasa unahan ng listahan si Legendary American Boxer Muhammad Ali na itinuturing na Greatest Heavyweight Boxer sa kasaysayan ng boksing.
Pumapangalawa naman si Sugar Ray Robinson na may impresibong 200 total fights tampok ang 173 panalo kabilang ang 109 knockouts, 19 talo at anim na draws habang nasa ikatlo naman si dating World Heavyweight Champion Mike Tyson.
Ikawalo lamang si Undefeated American Fighter Floyd Mayweather Jr. na kadalasang tumatanggap ng kaliwa’t kanang hate messages dahil sa kanyang maangas na aura.