Ni Pat Fulo
NALAGPASAN ng mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila ang kanilang enrollment target para sa school year 2020-2021.
Batay sa pinakahuling tala ng Manila Division City Schools (DCS) noong Hulyo a-3, pumalo na sa 100.46% o katumbas ng 270,219 ang enrolees para sa public school.
Nagpasalamat naman si Manila Mayor Isko Moreno sa mga magulang na nag-enroll ng kanilang mga anak.
Tiniyak din nito na kanilang tutugunan ang pangangailangan ng mga estudyante para sa distance learning.
Tinatayang mahigit 1 bilyong piso ang inilaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa kagamitan ng mga guro at estudyante gaya ng laptops, pocket wifi devices, tablets at sim cards.
Inaasahang ipapamahagi ang naturang learning materials bago ang pagbubukas ng pasukan sa Agosto.