Ni Kathy Villanueva
MANANATILI sa Davao City si Mayor Sara Duterte ngayong araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Bago pa man ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ngayong araw ay sinabi na ni Mayor Inday Sara na ipagpapaliban niya muna ang personal na pagdalo dito.
Una, ayaw umano niyang sumailalim sa RT-PCR test para tiyaking hindi siya carrier ng COVID-19 pagbalik niya dito sa Davao City.
Sa kasalukuyan, sinuman ang bibiyahe patungong Davao ay kinakailangang magpakita ng negative RT-PCR test result.
Bagama’t permissive ito o hindi sapilitan upon check-in sa airport of origin ng isang pasahero ay mandatory naman ito pagdating sa Davao International Airport.
Samantala, dahil SONA ng pangulo, inaasahan na rin ang posibilidad ng pagsasagawa ng mga kilos-protesta ng ilang grupo.
Pero babala ng Davao City Police Office o DCPO, bawal at hindi pahihintulutan ang anumang uri ng mass demonstration o pagtitipon sa mga pampublikong lugar sa Davao City ngayong araw ng SONA.
Sinabi ng kapulisan na pwede pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang mga pagtitipon tulad ng kilos-protesta kaya’t mas maiging manatili na lang ang publiko sa kani-kanilang mga pamamahay.
Ipinaalala ng kapulisan na sinumang magtatangkang magsagawa ng rally ngayong araw ay tiyak na huhulihin bilang paglabag sa Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan To Heal as One Act.
Pero paalala ng lokal na pamahalaan, bagama’t pwede at pinahihintulutan ang pagra-rally, ay kailangang tiyakin na may social distancing ang mga sasali dito.
Kailangan ding nakasuot ng face mask ang mga rallyista at dapat may baon ding alkohol bilang proteksyon sa COVID-19.