Ni Karen David
MARAMI pa ring Pilipino ang nababahala na magkaroon sila o sino man sa kanilang pamilya ng COVID-19 batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa resulta ng SWS National Mobile Phone Survey, 85 percent sa mga Pinoy ang nagsabi na nababahala sila na magkasakit ng COVID-19 kung saan 67% ang lubos na nababahala at 18% ang medyo nababahala. Bahagya itong bumaba mula sa 87% na naitala noong May 2020 survey.
Nakasaad din sa survey na nasa 8% lang ng mga Pilipino ang nababahala nang kaunti at 7% ang hindi nababahala na magkasakit sila o kanilang pamilya ng COVID-19.
Pinakamarami sa mga nababahala sa Metro Manila na may 92%, sinundan ng balance Luzon sa 87%; ang Visayas sa 85% at Mindanao sa 77%.
Ayon din sa SWS, mas nababahala ang mga Pilipino kumpara sa mga Americans na mahawaan ng COVID-19.
Isinagawa ang survey mula Hulyo 3 hanggang 6 sa pamamagitan ng mobile phone at Computer-Assisted Telephone Interviewing (CATI) sa 1,555 adult Filipinos sa buong bansa.