Ni Troy Gomez
ISASAILALIM sa proseso ang mga foreign national na papayagan nang pumasok sa bansa simula Agosto a-uno. Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ang pahayag ay makaraang aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na makapasok sa bansa ang mga dayuhan na mayroong long-term visas.
Ani Roque, kabilang sa dadaanang proseso pagdating sa bansa ang pagsasailalim ng mga ito sa COVID-19 RT-PCR Test at habang naghihintay ng resulta, sila ay mananatili muna sa quarantine facility.
Nilinaw ng tagapagsalita na hindi lamang ordinaryong dayuhan ang mga ito, bagkus, sila ‘yung kinokonsidera nang tahanan ang Pilipinas at permanenteng residente ng bansa.
Nakasaad din sa IATF Resolution No. 56 na dapat mayroong valid at existing visa na ang foreign nationals pagpasok nila sa bansa, ibig sabihin, hindi tatanggapin ang mga mayroong new entry visa.
Subject din ang mga dayuhang ito sa maximum capacity ng inbound passengers sa port at date of entry ngayong binibigyang prayoridad ang mga nagbabalik na mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Mayroon din dapat pre-booked accredited quarantine facility at pre-booked COVID-19 testing provider ang mga papasok na foreign nationals.