Ni Margot Gonzales
IMINUNGKAHI ni Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na tanggapin ang mga nagtapos sa programang K to 12 para maging contact tracers.
Ito ay para aniya mapunan ang pangangailangan ng bansa sa mga contact tracers sa gitna ng umiiral na pandemya.
Matatandaan na noong nakaraang Mayo, inanunsyo ng Department of Health o DOH na nangangailangan ang bansa ng humigit-kumulang siyamnapu’t apat na libong mga contact tracers.
Punto ni Gatchalian na mas mahirap para sa mga bagong nagtapos na makahanap ng mapapasukan dahil sa naging epekto ng pandemya sa ekonomiya.
Ayon sa ulat ng International Labor Organization noong Mayo na mas matindi ang naging epekto ng pandemya sa mga kabataang may edad na labing-lima hanggang dalawampu’t apat dahil sa pagsasara ng mga paaralan at pagbagsak ng mga negosyo.
Sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority o PSA noong buwan ng Abril, lumalabas na halos labing-pitong porsyento ng mga kabataan na may edad na labing-lima hanggang dalawampu’t apat ang hindi nag-aaral, nagtatrabaho, at dumadaan sa training.
Paliwanag pa ng mambabatas, bukod sa mapapalakas ng pamahalaan ang mga hakbang para mahanap ang mga nahawaan ng COVID-19, makatutulong pa ang mga trabahong ito sa mga kabataan at mga pamilya nila, lalo na ang mga naghihikahos ngayon.
Ayon sa senador, panahon na para bigyan ng gobyerno na tuparin ang pangako nila na mabibigayan sila ng trabaho sa oras na makapagtapos sila sa K-12 Program.
Kaya ang logic dito ang gobyerno ang nagmandate na magdagdag ng two years dapat ang gobyerno din ang maghire ng K-12 graduate at umpisahan natin sa contact tracing.
Dagdag pa ng senador mas angkop ang mga K-12 graduates para sa trabaho lalo pa’t manual, mechanical at tiyagaan ang sistema sa ganitong trabaho.