Ni Arjay Adan
MULING magbabalik sa boxing ring sa edad na 54 ang dating World Heavyweight Champion na si Mike Tyson upang kaharapin si Roy James Jr. sa Setyembre 12 sa Los Angeles.
Sa kanyang Legends Only League website, inanunsyo ni Tyson ang kanyang eight-round exhibition match laban kay Jones, isang 51 taong gulang na boxer na panandaliang humawak ng heavyweight title.
Pinabulaanan naman ni Tyson ang ideya na maaari silang magtamo ng seryosong injury bunsod na rin ng kanilang edad at sinabi nitong pareho silang accomplished na boksingero at alam din nila kung papaano nila poprotektahan ang kanilang mga sarili.
Ipinangako rin ni Tyson na magiging competitive ang kanilang laban at nais niya lamang na balikan ang kanyang kamangha-manghang porma na minsan niya nang ipinamalas.
Matatandaan na nagretiro sa sports ang legendary boxer noong taong 2005 kung saan nakapagtala ito ng 50 na panalo at anim na talo at 44 naman dito ay knockout wins.