Ni Jao Gregorio
SUPORTADO ni Senator Christopher Bong Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na i-delay ang pagbubukas ng pasukan sa School Year 2020-2021.
Ito ay matapos lagdaan ng Presidente ang Republic Act No. 11480 na nag-aamyenda sa Section 3 of RA No. 7797 o mas kilala bilang “An act to lengthen the school calendar from two hundred (200) days to not more than two hundred twenty (220) class days”.
Ang naturang amendment ay magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo para magtakda ng bagong petsa ng pasukan na base na rin sa rekomendasyon ng Department of Education.
Sakop naman ng naturang batas ang basic education school sa bansa kabilang na ang mga foreign at international institution.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Senator Bong Go na suportado rin niya ang paninindigan ng Pangulo na huwag munang magkaroon ng face-to-face classes hanggang wala pang nadidiskubreng bakuna para sa COVID-19.
Aniya, patuloy namang naghahanda ang pamahalaan para sa pag-adapt ng bansa sa bagong normal na pamumuhay.