Ni Troy Gomez
PALAISIPAN para kay detained Senator Leila de Lima ang hindi paglalabas ng Bureau of Corrections o BuCor ng mga pangalan ng mga high profile inmates na namatay umano dahil sa COVID-19.
Ayon kay De Lima, maaring pinagkakitaan ng BuCor ang mga high-profile in mates na ito na maaring hindi talaga namatay at sa halip ay baka nga nakalaya na mula sa apat na pader ng Bilibid.
Aniya ang mga high-rank inmates na ito na kumikita ng milyon hanggang bilyong piso mula sa drug trade ay maaring manuhol para pekein ang kanilang pagkamatay upang makalaya mula sa kulungan.
Maari aniyang kasama sa kasunduan ng mga ito ay ang hindi paglabas ng pangalan ng mga namatay para itago ang katotohanan.
Dagdag pa ni De Lima na nakakapagtaka na ang isang matigas at hitman na si Bantag ay nagkaroon ng matinding malasakit sa mga preso para pangalagaan ang pagkakilalanlan ng mga ito at ginagamit ang Data Privacy Act gayong bago pa aniya namatay ang mga inmate na ito ay wala na silang karapatan para sa civil at political rights.
Una naman dito ay sinabi ni De Lima na dapat masagot kung bakit natamaan ng sakit ang mga inmates na ito na nakakulong sa building 14 ng New Bilibid Prison.
Aniya kung ikukumpara sa ibang inmates sa Bilibid ay ang mga ito ang pinakaisolated at magkakahiwalay aniya ang mga prison cell ng mga ito sa Building 14 .
Pahirapan din aniya ang access sa kanilang mga quarters kung ikukumpara sa mga ordinaryong maximum and medium security compoud sa Bilibid.
Samantala para kay Senate Pro Tempore Ralph Recto ay mas mainam na magpalabas ng larawan ang BuCor para patotohanan ang pagkamatay ng mga high profile inmates na ito dahil sa pandemya.
Dagdag nito na mas mainam pa nga na sa halip na larawan ay may maipakitang CCTV footage ang BuCor na kung saan ay maaring makita ang mga katawan ng mga ito na inilalabas sa kulungan dahil sa sakit.
Maliban pa rito ay nais ng mambabatas na makapagpalabas ang BuCor ng mga death certificates and medical records ng mga inmates na ito para maging ebidensya na hindi pineke at walang foul play sa sinasabing pagkamatay ng mga high profile inmates dahil sa COVID-19.