Ni Vick Tanes
ALAM nyo bang ang pagsagot ng mga puzzles na tulad ng crosswords, word hunt at iba pa ay nakapagpapatalas daw ng isip?
Kung mahilig kang maglaro ng word puzzles ay isa ka nang henyo!
Batay sa pag-aaral sa Britain, nagsasabing nakatutulong ang paglalaro ng word puzzles upang mapanatiling matalas at mas bata ng sampung taon ang ating utak.
Ayon sa resulta ng pag-aaral, ang mga taong regular na nakakapaglaro ng word puzzles ay mas kayang gampanan ang mga ‘cognitive tasks’ nang mabuti—madagdagan ang pagtalas ng atensyon, pangangatwiran at memorya. Mababa rin ang posibilidad ng dementia sa mga taong mahilig maglaro nito.
“We found direct relationships between the frequency of word puzzle use and the speed and accuracy of performance on nine cognitive tasks assessing a range of aspects of function, including attention, reasoning and memory,” sabi ni Keith Wesnes, isang professor sa University of Exeter sa Britanya.
Sa ginawang grammatical reasoning speed at short-term memory accuracy, ilan sa mga taong mahilig sa word puzzles ay kayang tumakbo ang utak ng sampung taong mas bata sa edad nila.
Kasabay ng pagpapanatiling aktibo ng utak, ehersisyo, pag-iwas sa anumang bisyo at pagkain ng masusustansyang pagkain, maiiwasan ang mapanganib na posibilidad ng dementia, ayon sa mga mananaliksik.