Ni Melrose Manuel
NANINIWALA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkakaroon na ng bakuna o gamot laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Disyembre.
Ayon kay Pangulong Duterte, kun’di man magkaroon ng bakuna ay posibleng mayroon ng gamot para sa COVID-19 bago magtapos ang taon.
Sinabi pa ng Pangulo na mas nanaisin niyang makakuha muna ng gamot para puksain ang virus at saka na lamang kumuha ng bakuna.
Magugunitang ilang beses na rin nagkaroon ng pahayag ang Pangulo kaugnay sa pagkakaroon na ng bakuna laban sa sakit dahil umano sa tagumpay ng ginagawang pag-aaral ng mga Chinese researcher.