Ni Arjay Adan
SUPORTADO ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagtatayo ng National Academy for Sports (NAS) sa bansa upang makagawa ng mas maraming world-class talents sa iba’t ibang larangan ng sports.
Inihayag ng pangulo ang kanyang suporta sa naturang panukala sa kanyang ika-limang State of the Nation Address kahapon.
Sa ilalim ng panukala, itatayo sa New Clark City sa Tarlac ang naging NAS na naging venue ng SEA Games noong nakaraang taon, at magbibigay ng secondary education program na may curriculum para mapabuti pa ang performance ng mga estudyante sa larangan ng palakasan.
Magkakaroon ito ng mga pasilidad, housing at iba pang amenities na magiging kapantay ng international standards.
Binigyang puri rin ni Pangulong Duterte ang mga manlalarong Pinoy na nagbigay ng karangalan noong nakaraang taon sa idinaos na SEA Games kung saan itinanghal na overall champion ang bansa na nakapag-uwi ng 149 gold medals.