Ni MJ Mondejar
SA panayam ng SMNI News, iginiit ng franchise expert na si Atty. Rolex Suplico na malabo ang pinalulutang ngayon ng ABS-CBN na People’s Initiative para mabigyan sila ng panibagong prangkisa.
Ito ay matapos imungkahi ng isang law professor mula sa University of Santo Tomas na gamitin ang Republic Act 6735 o The Initiative and Referendum Act para sa franchise ng ABS-CBN.
Sa ilalim ng batas, maaaring mangalap ng lagda ng 10 porsiyento ng registered voters sa buong bansa, kung saan ang bawat distrito ay dapat kinakatawan ng 3 porsiyento ng registered voters nito, bago isumite ang petisyon sa COMELEC.
Sa loob ng 30 araw, ilalathala ang petisyon sa dyaryo nang 2 beses at magkakaroon ng referendum sa buong bansa para malaman kung sang-ayon ang taumbayan dito.
Duda rin si Suplico na maabot ang lagdang kinakailangan para magamit ang batas.
Ganito rin ang pananaw ni dating Senate Juan Ponce Enrile dahil kailangan ng mahabang panahon para mangalap ng lagda sa buong Pilipinas.
Giit din ng dalawa na hindi maaring gamitin ang batas para sa mga private bills gaya ng sa ABS-CBN franchise.