Ni Arjay Adan
NINANAIS ng Philippine Super Liga (PSL) na makapagsagawa na ito ng palaro sa Oktubre sa ilalim ng kasing-higpit din na protocols na inaprubahan sa Philippine Basketball Association (PBA) at Philippines Football League (PFL) ng iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Matapos na makipag-usap ang PSL sa Department of Health (DOH), Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Sports Commission (PSC) ay umaasa ito na makapagsagawa sila ng All-Filipino Conference at makabalik na sa pag-eensayo ang kanilang mga manlalaro sa susunod na buwan.
Ayon kay Super Liga Operations Director Ariel Paredes, naging produktibo naman ang kanilang pagpupulong kasama ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at umaasa sila na papahintulutan sila ng mga ito.
Matatandaan na noong nakaraang buwan nang bigyan ng Inter Agency Task Force ng pahintulot ang professional basketball at football leagues na ipagpatuloy ang ensayo nito.
Nakatakda namang muling makipagpulong ang PSL sa mga nabanggit na sangay ng gobyerno upang talakayin pa ang detalye, protocols at guidelines ng posibleng pagbabalik ensayo.