Ni Arjay Adan
MAYROON ng opisyal na sariling 3-on-3 basketball league ang Pilipinas.
Ito ay matapos na makakuha ng professional status ang Chooks-to-Go Pilipinas at pahintulutan ng Games and Amusements Board (GAB).
Inanunsyo ito mismo sa isang online press conference na pinangunahan nila GAB Chairman Abraham “Baham” Mitra at League Commissioner Eric Altamirano.
Pinasalamatan naman ni Altamirano ang Games and Amusement Board dahil sa pagbibigay nito ng approval sa kanilang liga na maging isang professional league.
Matatandaan na mabilis na lumaki ang liga simula nang gawin ito noong nakaraang taon bilang pagtatangka ng bansa na mag-qualify para sa Tokyo Olympics kung saan gagawin ang 3×3 event.
Dagdag pa ni Altamirano, ngayong propesyonal na ang liga ay maaari na nitong mabigyan ang mga local players ng oportunidad na subukan ang posibilidad ng pagkakaroon ng professional career sa 3×3 league.