Ni Arjay Adan
ANG NBA-leading Milwaukee Bucks ang pinaka-huling koponan sa liga na nagsara ng kanilang practice facilities sa kalagitnaan ng coronavirus (COVID-19) testing.
Base sa ulat ng US Sports Network, isinara ng Bucks ang kanilang facilities matapos na matanggap ang resulta ng COVID-19 tests bagaman hindi malinaw kung ilan sa mga ito ang nagpositibo.
Hindi umano papayagan ng Bucks ang kanilang mga manlalaro na makabalik sa training hangga’t hindi sila nakaka-alis patungong Florida kung saan plano ng NBA na ipagpatuloy ang naudlot na season nito.
Matatandaan na bago masuspinde ang regular season ng NBA dahil sa banta ng COVID-19 noong nakaraang Marso ay nangunguna ang Milwaukee Bucks na may record na 53-12.
Nauna nang pinahinto ang Los Angeles Clippers, Denver Nuggets at Miami Heat ang kanilang individual workouts sa kanilang practice facilities dahil sa banta ng COVID-19.
Nakatakdang manumbalik ang naudlot na season sa Hulyo 30.