Ni Melrose Manuel
AABOT na umano sa 100,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng COVID-19 ang napauwi na ng pamahalaan sa bansa.
Habang inaasahan pang mapapauwi sa mga susunod na buwan ang nasa 150,000 Pinoy workers abroad.
Batay sa tala ng IATF, nasa 95,000 OFWs ang nakauwi na sa kani-kanilang mga probinsya simula Mayo 1 sa ilalim ng Hatid Probinsya Program.
Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na base sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), 50,000 OFWs ang inaasahang mare-repatriate ngayong Hulyo.
Inanunsyo rin ni Cacdac na halos 2,000 OFWs na tinamaan ng COVID-19 ang nabigyan ng P10,000 financial assistance.
Bukod dito, binigyan din ng cremation o burial services ang mga pamilya ng mga nasawing OFWs na aktibong members ng OWWA maliban pa sa death benefits, livelihood, at scholarship benefits na natanggap ng mga ito.