Ni Jao Gregorio
ISANG linggo bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, may pakiusap si Senator Imee Marcos sa public utilities at ilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na malamang isa sa aabangan ng taumbayan kung paano nirespondehan ng Pangulo ang kinakaharap na pandemiya ng bansa.
Kasunod nito ay humihingi ng maayos na kasagutan ang mambabatas mula sa Maynilad at Manila Water sa hindi makatarungang billing na kanilang inilabas na ibinase aniya sa kwestyonableng estimasyon.
Panawagan naman ni Marcos sa Meralco, i-extend pa ang suspensyon ng disconnection notices mula sa target nilang buwan na Setyembre hanggang maipaliwanag ang maayos na kumpyutasyon ng kuryente.
Samantala, kinalampag din ni Marcos ang Department of Trade and Industry at pinapa-update ang listahan ng kanilang standard retail prices sa mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.
Humihingi rin ng transparent accounting ang senadora sa Department of Labor and Employment para sa cash aid packages na kanilang inilabas at sana aniya makapagbukas ang ahensiya ng job programs na makatutulong sa patuloy na pagtaas ng unemployment rate sa bansa.