Ni Melrose Manuel
INILATAG ni Senate President Vicente Sotto III ang limang priority bills na nais niyang i-fast-track sa second regular session ng 18th Congress na magsisimula sa Hulyo 27.
Kasama rito ay ang usapin sa kanyang proposed Medical Scholarship Act, Presidential Drug Enforcement Authority Act, Hybrid Election Act, Anti-False Content Act, at ang 14th Month Pay Law.
Naniniwala naman ang senador na ang limang panukala ay magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
Magbibigay din aniya ng kinakailangang reporma sa pamamahala lalo na ngayong napapanahon na kailangang isulong ang interes ng publiko kaysa sa political, corporate, o personal na interes.
Umapela rin si Sotto na agad magsagawa ng committee hearings sa proposed Anti-False Content Act, or The Anti-Fake News Bill, na nagbabawal at nagpaparusa sa pagpapakalat ng mga maling online content at nagsusulong ng responsableng paggamit ng internet at ang panukalang magbibigay ng karagdagang Christmas pay sa mga manggagawa sa pribadong sektor na sakop ng proposed 14th Month Pay Law.