Ni Pol Montebon
NANINDIGAN ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa ‘Shame Campaign’ sa mga residenteng lumalabag sa quarantine protocols.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na apat na buwan na ang lumipas mula nang ipatupad ang quarantine protocols. Pero hanggang sa ngayon, marami pa rin aniya ang mga nagpapasaway.
Kaya naman, pinayuhan ng opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong linggo ang publiko na ipahiya ang mga taong hindi nagsusuot ng face mask sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.
“Iyan ang dapat talagang gawin sa inyo inilalagay niyo sa alanganin ang buhay ng iba dahil sa hindi pagsuusot ng face mask, lumalabas para makipagtsismisan lang,” ani Diño.
Para kay Diño, mas mabuti na ang isinusulong niyang “Shame Campaign” sa halip na magbayad ng multa.
“’Yong Shame Campaign, ang ina-ano ko dito, tayo na, maging aware na tayo na kapag may tao sa labas na nagbabadya na po ng seguridad sa pamilya mo, ano’ng gagawin mo? Ang masasabi mo sa kanya, ‘mahiya ka naman!’ kumbaga mayroon kang mga salita para matauhan siya,” dagdag pa ni Diño.
Nagbabala rin si Diño ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panununtunan para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
Sa katunayan, pinaalalahanan ng opisyal ang mga kapitan ng barangay na ipatupad ang batas sa hindi pagsusuot ng face mask.
Aniya, sa ilalim ng batas, ang mga mahuhuling lumalabas ng bahay ng walang face mask ay dapat arestuhin at pagmultahin ng P1,000 para sa unang palabag.
Inihalimbawa pa nga ng opisyal ang ginagawa “martial law style ng Cebu para aniya matakot ang mga residente at sumunod sa batas.
“Kung hindi naman nakikisama ang mga mamamayan, teka muna, magkahigpitan na tayo dito,”
“Kahit na harsh ang batas, kailangan ipatupad lalong lalo na kung ang mga prinoproteksyonan ay buhay ng mga tao.”
Pero para sa ilan na nakausap ng SMNI News Team, hindi makatao anila ang programang ito, lalo na sa mga taong nahihirapang umintindi sa batas.
Anila, mas mainam na pagsabihan lang sa kanilang paglabag at ipaunawa ang posibleng mangyari kapag nilabag nila ang batas.