Ni Pol Montebon
PARA mapigilan ang pagdami ng COVID-19 cases sa kanilang lugar, ipakakalat ngayon ng Las Piñas City LGU katuwang ang PNP ang kanilang social distancing patrollers.
Ang social distancing patrollers ay binubuo ng miyembro ng kapulisan sa lungsod na mahigpit na nagpapatupad ng health protocols kontra COVID-19.
Ang bawat isang pulis ay may dalang yantok na may isang metro ang haba na ginagamit nila sa kanilang house to house operation o pagbisita sa mga barangay at lugar para tiyakin na naipatutupad ang health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, pag obserba sa social distancing.
Tugon din ito sa panawagan mismo ni Pangulong Duterte na paigtingin pa ang pagpapatupad sa health protocols sa ilalim ng general community quarantine guidelines.
Kaakibat ng programa na ito, ang City Ordinance 1689-20 Series of 2020 na nag oobliga sa lahat ng residente ng lungsod na magsuot ng face mask.
Mahaharap sa 30 araw na pagkakulong at multa na 1000 pesos o parehong kaparusahan depende sa pasya ng korte.
Mahigpit ang isinasagawang paninita ng mga tauhan ng Las Piñas City Police at mga barangay para sa istriktong implementasyon ng mandatory o obligadong pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa physical distancing sa pampublikong lugar sa lungsod.
Ayon kay Acting Las Piñas City Police Chief, Colonel Rodel Pastor, nagsisilbing walang kwenta aniya ang pagpapatupad ng programa kung walang disiplina ang tao.
Pero bukod sa paninita ay namimigay din ng libreng face mask ang mga pulis dito para sa mga residente na walang face mask.
Batay sa obserbasyon ng Las Piñas City Police, marami naman ang may dalang face mask pero karamihan din sa mga ito ay hindi nakasuot at nakalagay lamang sa bulsa o sa ilalim ng baba.
Nakikiusap pa ang mga kapulisan sa lungsod, na pairalin ang disiplina sa bawat isa para sa kaligtasan ng lahat.
Para sa mga maabutan ng hanay ng Las Piñas City Police na hindi nakasuot ng face mask ay wawarningan muna ito at sa susunod na paglabag, ay mahaharap na ito sa ipinatutupad ng lungsod na multa at kulong.