Ni Melrose Manuel
INIHAHANDA na ngayon ng mga mananaliksik ng Thailand ang sampung libong doses ng bakuna para sa planong pagsisimula ng human trials para sa COVID-19 vaccine ngayong Nobyembre. Target nito na magkakaroon na ng bakuna na magagamit sa susunod na taon.
Ayon kay Kiat Ruxrungtham, director ng Vaccine Development Program ng Chulalongkorn University sa Bangkok, naging paborable ang resulta sa trials na isinagawa sa mga unggoy kaya’t ang magiging kasunod na hakbang nito ay ang paggawa ng doses para sa human trials.
Matatandaan na sa kasalukuyan ay wala pang aprubadong bakuna para sa coronavirus bagama’t nagpapatuloy pa ang pagsubok sa labingsiyam na kandidatong bakuna.
Nangunguna sa paligsahang ito ang China sa kanilang experimental vaccine ng Sinovac Biotech.
Dagdag pa ni Kiat, kailangang makumpleto ng unang pasilidad ng thailand ang produksyon ngayong Oktubre at maipadala ang mga produkto sa ikalawang pasilidad na kailangan namang matatapos sa Nobyembre.
Nilinaw din ng opisyal na hindi tatanggap ng volunteers para sa isasagawang mga trials hangga’t hindi sila makatanggap ng pag-apruba mula sa Thai Food and Drug Administration at ng Ethics Committee.