Ni Melrose Manuel
UMABOT sa 15 ang bilang ng mga binawian ng buhay sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Colonel Antonio Abundabar, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command, kabilang sa nasawi ang suicide bomber, 6 na sibilyan, 7 sundalo at 1 pulis.
Habang 75 ang mga nasugatan kabilang ang 48 na sibilyan, 21 sundalo at 6 na pulis.
Samantala, kinumpirma ng militar na dalawang babae ang nagsilbing suicide bomber sa kambal na pagsabog.
Ayon kay Philippine Army Chief Lieutenant General Cirilito Sobejana, natukoy na Indonesian ang isa habang inaalam pa ang nasyonalidad ng isa pang babae.
Ang Indonesian suicide bomber ay biyuda ng dalawang terorista na sina Abu Talha at Norman Lasuca, kauna-unahang Pilipinong suicide bomber na responsable sa pagsabog sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong Hunyo 2019.
Sinabi ni Sobejana na ang dalawang suicide bomber ang minamanmanan ng 4 na sundalo na napatay noong Hunyo 29.
Malaki ang paniwala ni Sobejana na ang grupo ni Mundi Sawadjaan ang nasa likod ng pagsabog sa Jolo, Sulu.