Ni Melrose Manuel
BINAGO na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang salary system nito matapos itong mabiktima ng pay-roll padding scam ng isa sa mga opisyal nito na nagdulot ng pagkawala ng malaking pera sa ahensya.
Ayon kay PSC Chief of Staff at National Training Director, Marc Velasco, kinailangan nilang baguhin ang payroll administration system ng ahensya upang maiwasan ang panibagong iregularidad na nagsanhi sa pagkalugi ng hindi bababa sa 14 milyong piso ng PSC.
Ani Velasco, nagpahatid na sila ng abiso sa lahat ng miyembro ng national team na magkakaroon ng delay sa kanilang allowance dahil sa ginawang pagbabago sa payroll system.
Matatandaan na ang empleyado ng PSC na kinilalang si Paul Ignacio na nagtatrabaho sa Human Resource Department ng ahensya ang naging responsable sa nasabing anomalya kung saan direkta nitong idineposito ang buwanang sahod ng mga atleta at coaches sa sarili nitong account.
Sa ngayon ay nahaharap sa patong-patong na kaso si Ignacio at siniguro din ng PSC na babawiin nito ang bawat sentimong ninakaw nito mula sa ahensya.