Ni Pastor Apollo C. Quiboloy
ANG Lucas 16: 19-31 ay nagsasalaysay sa kuwento ng dalawang tao: ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap. Ang mayamang lalaki ay hindi pinangalanan; ang mahirap ay si Lazaro. Ang mayaman na nakadamit ng kulay ube at maselang lino ay kumakain ng masagana sa araw-araw.
Cheese at ham, o anumang masasarap at mamahaling mga pagkain na kanyang naisin. Ito ang mga inihahain araw-araw sa lamesa ng mayamam. Si Lazaro ay nakadamit ng sako at makikitang nakahandusay sa ilalim ng mesa ng mayamang lalaki, nakaabang na makapulot ng mga mumo na mahuhulog mula sa mesa ng mayamang lalaki. Bukod sa walang medical insurance si Lazaro, walang nars, ang mga aso ang humihimod ng kanyang mga sugat.
ANG MAYAMAN AT MAHIRAP AY MAMAMATAY
Ang mayamang lalaki ay napakayaman; si Lazaro ay napakahirap. Ngunit isang bagay ang tiyak na mangyayari sa kanilang dalawa. Sinabi ng Panginoon: “Kapwa sila mamamatay.”
Si Lazaro ay namatay – sa pisikal. Alam ba ninyo kung paano inilibing ang mga mahihirap noon? Sila ay ibinabalot sa isang malaking kumot at inilibing sa butas sa lupa na may tatlong talampakang lalim. Dahil sa mababaw ang libingan, kadalasan ang mga aso ay nag-aabang upang kanilang hukayin ang naaagnas na bangkay na kanilang naaamoy.
Nang mamatay ang mayamang lalaki, mayroong napakagandang obituaryong inilathala na nagpapahayag ng kanyang kamatayan. “Siya ay isang mabuting tao, isang taong mapagkawanggawa,” saad ng obituaryo.
Lahat ng kanyang mga kaibigan ay dumating upang magbigay ng kanilang respeto at makita siya sa huling pagkakataon. Libo-libo ang dumating sa burol ng mayamang lalaki at kanilang naamoy ang halimuyak ng mga bulaklak bago pa man nila marating ang bulwagan – malalaki at mamahaling mga bulaklak ang handog sa kanya bilang alaala ng mga kaibigan. Sa magarang bulwagan, siya ay nakahimlay sa isang bronseng kabaong. Ang kanyang huling lugar na pahingahan isang air-conditioned mausoleum. Naisip ng kanyang pamilya na lagyan ng air-conditioning upang masiguro nilang kahit sa kanyang kamatayan ay hindi niya mararamdaman ang init.
Maaari ninyong ipaliwanag kung paano namatay ang dalawang lalaking ito o kung paano sila inilibing ngunit ito ay hindi mahalaga. Lahat ng ating nakikita ay pisikal, hindi natin nakikita ang espirituwal.
ANG ESPIRITUWAL NA LEBEL
Ano ang nangyayari sa lebel ng espirituwal? Sa panahong namatay ang mahirap na lalaking si Lazaro sa pisikal, bigla na lamang lumitaw ang mga anghel – ito ang espirituwal na lebel.
Hindi natin ito nakikita. Hindi ito nakikita ng ating pisikal na mata. Tanging si Jesus Christ ang nagsabi sa atin patungkol sa mga bagay na espirituwal at marami sa mga tao ay hindi naniniwala sa espirituwal. Marami, sa modernong panahon ngayon, lalo sa panahon ng internet, sa panahon ng computer, hindi naniniwala sa espirituwal na larangan. Hindi sila naniniwala sa langit, maging sa impiyerno ay hindi rin. Sila ay naging moderno, akala nila sila ay matalino. Ngunit, sila ay mga hangal. Nang mamatay si Lazaro, ang kaluluwa na nasa loob niya ay buhay na buhay.
ANG KALULUWA AT HINDI ANG KATAWAN ANG NAKADADAMA
Kung kayo ay buhay, ang inyong kaluluwa ay nasa loob ninyo. Nakakakita kayo, nakakarinig, nakakaramdam, nakakalasa, nakakaamoy kayo. Ang inyong limang pandama ay gising at akala ninyo ang inyong katawan ang may gawa niyan? Hindi. Ang kaluluwa na nasa loob ninyo ang siyang nakakakita, nakakaamoy, nakakalasa, nakakarinig at nakakadama. Ang sensasyon ng katawan, ito man ay maganda o hindi, ay nararamdaman ng kaluluwa na nasa loob ninyo nung kayo ay buhay pa.
Tingnan ninyo kapag kayo ay mamatay, kagaya ng mayaman at ni Lazaro, ang bangkay na siyang bahay ng kaluluwa ay nananatili. Nakakita na ba kayo ng isang kaibigan, o mahal sa buhay o isang taong kakilala ninyo na namatay at inilagay sa kabaong? Naroon kayo para sa huling pagkikita. At kapag kanilang binuksan ang kabaong at nasa harapan mo nakahimlay ang patay na katawan ng kaibigan, at sinabi mo sa kanya, “Kumusta, Jack. Naririnig mo ba ako?” Naroroon pa ang tainga ng iyong kaibigan ngunit hindi siya makaririnig sa iyo. At nang buksan mo ang kanyang mata at nakatingin siya sa iyo, “Nakikita mo ba ako?” tanong mo.
Mayroon pang mata ang iyong kaibigan ngunit hindi ka niya makikita. Mayroon siyang tainga ngunit hindi siya makakarinig. Dinalhan mo siya ng paborito niyang inumin at ibinuhos mo ito sa kanyang bibig ngunit ito ay lumigwak lang at hindi niya ito nalalasahan. Mayroon siyang bibig ngunit hindi siya makakalasa. At sinundot mo siya ng matulis na karayom ngunit wala na siyang reaksyon.
Ang tanong ay, mayroon siyang katawan ngunit hindi siya nakakarinig, hindi siya nakakaramdam ng sakit. Mayroon siyang mga mata ngunit hindi siya nakakakita. Mayroon siyang ilong ngunit hindi siya nakakaamoy. Mayroon siyang bibig ngunit hindi siya nakakalasa. Anong nangyari? Ito ay dahil ang kaluluwa na siyang nakakakita, nakakaramdam, nakakarinig, nakakalasa, nakakaamoy ay wala na sa katawan na iyan. Ito ay nasa lugar na ng dalawang espirituwal na destinasyon na siyang permanente.
Nang mamatay si Lazaro, siya ay dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham. Ang kanyang kaluluwa ay hindi namatay. Nang ang mayamang lalaki ay namatay sa pisikal, ang kanyang mga bilyones ba ay nakakapagdala sa kanya sa langit?
Kapag panahon na ninyo, ang inyong mga bilyones ba ay makapagliligtas sa inyo? Kapag ang kamatayan ay kumakatok na sa inyong pintuan kahit na mayroon kang 58 na mga doktor, mapupunta ka sa daan na pinatutunguhan ng mayamang lalaki sa kuwento. Maaaring sabihin ninyo, “Mayroon akong mga doktor, pinakamahusay sa buong mundo. Mayroon ako lahat ng pera upang mapalawig ang aking buhay. Kukuha ako ng stem cell treatment. Sabihin man ninyo sa pinakadalubhasang doktor: “Palawigin mo pa ang aking buhay, babayaran kita,” wala itong saysay; mamamatay pa rin kayo.
Gagawin ng mga doktor ang lahat ng mga bagay upang mapalawig ang inyong buhay at iligtas kayo mula sa anumang karamdaman na inyong nararanasan o sa anumang makamamatay sa inyo. Wala silang magagawa. Ang Salita ng Panginoon ay nagsasabi, “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.”
(ITUTULOY)