Ni Melrose Manuel
OBLIGADO nang sumalang sa RT-PCR test (Real-Time Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) ang mga manggagawang nasa mga tourist zones; pabrika; transportasyon; food retail; public market; construction; water supply; sewerage; waste management; public sector; at ang mass media.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ito ang kautusan na nakapaloob sa Joint Memorandum Circular No. 20-04 Series of 2020, o DTI at DOLE Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 para maiwasan ang pagkalat ng virus at ito anya ay dapat libre sa mga manggagawa at ito ay epektibo na noong nagdaang Sabado.
Naniniwala si Bello na kapag mahigpit na ipinatupad itong bagong health protocol ay magdudulot ito ng magandang resulta sa pakikipaglaban natin sa COVID-19 at masisiguro ang pagiging produktibo ang pwersa ng mga manggagawang Pinoy.
Partikular sa kasama sa guidelines ang lahat ng mga manggagawa mula sa Hospitality and Tourism Sectors sa El Nido; Boracay; Coron; Panglao; Siargao; at iba pang mga lugar ng turismo na idineklara ng Department of Tourism na kailangang mag-test ng isang beses kada buwan.
Pero ang mga nasa manufacturing at public service providers sa mga economic zones na nasa special concern areas ay kailangang magpasuri ng isang beses sa loob ng tatlong buwan o kada quarter ng taon.