Ni Vick Aquino Tanes
ANG Oregano o coleus aromaticus ay isang halamang gamot. Ito ay may katangian na mabango at may matapang na amoy.
Alam n’yo bang nakapagbibigay-ginhawa ang oregano kapag may ubo, sipon, at lagnat. Nakapagbibigay-ginhawa rin ito sa sore throat, maaring gamot para sa mga pigsa at pananakit sa kalamnan at masasabing mabisa itong gamot sa UTI at sakit ng tiyan.
Maaaring magpakulo ng isang tasa ng sariwang dahon sa tatlong tasa ng tubig, ilaga ito sa 10-15 minuto. Uminom ng isang tasa tatlong beses isang araw para sa ubo’t sipon.
Para sa ubo at rayuma, maari ring gumagamit ng mas matapang na preparasyon. Pigain ang mga dahon ng oregano at uminom ng isang kutsarita ng katas nito, tatlong beses rin isang araw.
Para sa mga pigsa, sugat, o kagat ng insekto, dikdikin ang mga dahon at ipahid ito sa apektadong bahagi ng katawan, isang beses isang araw.
Ang oregano ay isa sa mga kilalang pampalasa o herb na karaniwang ginagamit sa mga lutuin. Madali itong tumubo saan mang lugar sa mundo.
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman ng oregano tulad ng dahon na pangunahing bahagi ng halamang oregano na ginagamit sa panggagamot. Maaaring ito ay dikdikin, ipantapal, ilaga, at inumin na parang tsaa.
Narito ang mga sakit na maaaring magamot ng bisa ng oregano:
- Paso. Ginagamit ang dinikdik na dahon ng oregano upang maibsan ang pananakit ng paso sa balat.
- Pananakit ng ulo. Ang dahon naman na bahagyang pinitpit ay inilalagay sa sentido para mabawasan ang pananakit ng ulo.
- Kagat ng insekto. Ipinangtatapal din ang dahon na bahagyang dinikdik sa bahagi ng katawan na apektado ng kagat ng insekto, at tusok ng alupihan at alakdan.
- Hika. Ang pinaglagaan ng dahon ng oregano ay mabisa rin para sa kondisyon ng hika.
- Bagong panganak. Pinaiinom naman ng pinaglagaan ng dahon ng oregano ang mga ina na bagong panganak.
- Kabag. Mabisa rin para sa kondisyon ng kabag ang pag-inom sa pinaglagaan ng oregano.
- Pigsa. Ang pigsa sa balat ay matutulungan naman ng pagtatapal ng dinikdik na dahon ng oregano. Ginagawa ito ng apat na beses sa isang araw.
- Sore throat. Ang pananakit ng lalamunan dahil sa sore throat ay maaaring matulungan ng paglunok sa pinaglagaan ng pinatuyong dahon ng oregano.
- Pananakit ng tenga. Mabisa naman na pangtanggal sa pananakit ng tenga ang pagpapatak ng sariwang katas ng dahon sa loob mismo ng tenga.
- Ubo. Ang ubo na mahirap gumaling at pabalikbalik ay maaaring matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng oregano. Maaari ring lunukin ang isang kutsara ng sariwang katas ng dahon ng oregano.