Ni Arjay Adan
NAKAKUHA ng higit sa kinakailangang tulong ang world champion at Olympic qualifier gymnast na si Carlos Yulo para sa Tokyo Olympics matapos siyang makatanggap ng dagdag na 800,000 piso mula sa MVP Sports Foundation.
Natanggap ng Gymnast Association of the Philippines ang dagdag na pondo na makatutulong sa renta ni Yulo sa Japan, academic schooling, at pambayad para sa kanyang support team na binubuo ng physiotherapist, nutritionist, at sports psychologist.
Ayon kay MVPSF President Al Panlilio, nais ng kanilang foundation na masigurong makukuha ng ating mga atleta ang pinaka magandang training para sa Olympics sa kabila ng hinaharap na COVID-19 pandemic ng bansa.
Dagdag pa ni Panlilio, ang monetary donation ay hindi lamang dagdag pondo kundi paraan na rin ng MVPSF upang mapanatag ang pag-iisip ni Yulo.
Matatandaan na sumikat si Yulo matapos nitong maiuwi ang makasaysayang gold medal sa 2019 World Championships sa Stugart para sa floor exercise at nakapagtala din ito ng 2-gold,five-silver finish sa nagdaang 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Pilipinas.