Ni MJ Mondejar
MAHIGPIT na babantayan ng Kamara ang paggasta ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Bill o Bayanihan 2.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, partikular nilang tututukan ang disbursement ng mga ahensya ng gobyerno sa pondo.
Ani Romualdez, hindi nila papayagan na magkaroon ng delay sa paggamit ng pondo sa mga ahensya ng pamahalaan.
Kasama sa Bayanihan 2 ang emergency subsidy na P5,000 to P8,000 sa mga mag-anak na apektado ng ipinatutupad na lockdown dulot ng pandemya at para sa returning overseas Filipino workers.
Ang pondo ay nakabase sa umiiral na minimum wage rates sa rehiyon na bibigyan ng ayuda.
Sa ilalim din ng Bayanihan 2, inaatasan ng Kamara na luwagan ang vetting at validation process para sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program o SAP cash aid pati na ang liquidation ng pondo.
Pinabibilisan din nito ang distribusyon ng ayuda.
Giit ni Romualdez, hindi nila hahayaan na maulit pa ang mga kapalpakan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan gaya nang nangyari sa implementasyon ng Bayanihan 1.
Bukod sa ayuda, nakalatag narin ang mga programang paggagamitan ng P160 billion na pondo ng Bayanihan 2 kabilang na ang budget para sa agrikultura, dagdag na contact tracers, ayuda para sa transportation at health sector at iba pa.