Ni Melrose Manuel
KUMBINSIDO si Senator Panfilo Lacson na ang mafia o sindikato sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ay ang mismong mga miyembro ng executive committee o ExeCom ng ahensiya.
Ito ay matapos sabihin ni Resigned Anti-Fraud Officer Thorrsson Montes sa ginawang pagdinig ng Senado na nasa P15 billion ng pondo sa PhilHealth ay napunta sa bulsa ng sindikato sa state-run firm.
Ayon kay Lacson, mga miyembro mismo ng ExeCom ang naghahanda ng master list kung sino ang mga ospital at HCIS na mauunang bigyan.
Lumalabas din sa imbestigasyon na sila lahat ang nagmamani-obra, pati overpricing, pag-operate ng pondo ng PhilHealth, ay nasa ExeCom.
Sa ngayon, nai-turnover na aniya kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga dokumento na nakalap ng Senado.
Kasong kriminal aniya ang maaaring isampa sa mga opisyal ng PhilHealth.