Ni Jonnalyn Cortez
KATULAD ng kulay ng ating balat, iba-iba rin ang kulay ng labi ng tao—merong mapusyaw, mapula at meron din namang maitim. Bakit nga ba umiitim ang labi?
Karaniwan ng konektado ang pagkaitim ng labi sa paninigarilyo. Ngunit, kung hindi ka naman naninigarilyo at maitim pa rin ang labi mo, ano pa nga bang ibang dahilan nito?
Maaaring stress, medikasyon, isyung medikal o mga produktong ginagamit ang sanhi ng pagkaitim ng iyong labi. ‘Wag mag-alala at ‘wag din mawalan ng pag-asa dahil nagagamot naman ito.
May mga home remedies at produktong pwedeng gamitin upang maging mapusyaw ang iyong mga labi at magkaroon ng kaakit-akit na kissable lips.
Bakit nangingitim ang labi?
Ang pigment na tinatawag na melanin ang nagbibigay kulay sa ating mga labi. Pag mas konti ang melanin, mas mapusyaw ang mga labi. Pag marami naman ito, mas maitim ang mga labi.
Kung nag-po-produce naman ng mas maraming melanin ang balat kesa sa pangkaraniwan, hyperpigmentation na ang tawag dito. Ito rin ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng mga pekas sa balat. Karaniwan itong tinatawag na age spots at sanhi ito ng madalas at matagal na pagkakakababad sa araw.
Hindi lang ang kutis mo ang pwedeng tablan nito, kundi pati na rin ang iyong mga labi.
Ilan sa mga dahilan ng hyperpigmentation bukod dito ay paninigarilyo, pagbubuntis, ilang mga medikasyon at kondisyong medikal.
Sa isang episode ng “Pinoy MD”, sinabi ng dermatogist na si Dr. Jean Marquez na maaari rin maging dahilan ng pagkakaroon ng maitim na mga labi ang paggamit ng matapang na sabon sa mukha.
“Sometimes nakikita ko ang tapang pala ng mga ginagamit nilang sabon. Since manipis ‘yong skin natin sa lip area and then kapag na-arawan, nangingitim ito,” paliwanag nito.
Paano maiiwasan ang pag-itim ng mga labi?
Ayon kay Dr. Marquez, maaaring makatulong ang paggamit ng mild na sabon upang maiwasan ang pag-itim ng mga labi. Maaari ring gumamit ng lip balm na may halong moisturizer at sunscreen upang mapanatiling protektado ang mga ito.
Pwede ring kumonsulta sa doctor at magtanong tungkol sa pigment laser treatment upang mapapusyaw ang mga labi sa mas mabilis at epektibong proseso. Paalala lang, kapag sumailalim ka na sa prosesong ito, bawal na bawal ng ma-expose ang iyong mga labi sa araw.
Pwede rin namang gumamit ng mga home remedies, tulad ng homemade honey scrub na gawa sa honey at asukal na dahan-dahang ikukuskos sa mga labi at babanlawan. Pwede ring gumawa ng sarili mong almond oil lip gamit ang almond o coconut oil na imamasahe mo sa iyong mga labi. Syempre pa, importante rin ang laging pag-inom ng tubig upang hindi manuyo ang mga ito.