Ni Cherry Light
SINIMULAN na ang simulation activity ng Department of Education – Makati para Sa Makati Mobile Learning Hub sa lungsod.
Ang Makati Mobile Learning Hub ay sinimulan sa Makati Elementary School upang maihanda ang mga teachers at para sa blended learning mode ng pagtuturo sa mga estudyante ng Makati.
Ang Makati Mobile Learning Hub ay iikot sa mga barangay. Ito ay naglalaman ng mga laptop at internet connection, mga libro at iba pang materyales sa pag-aaral na maaring hiramin ng mga magulang.
Magkakaroon din ng mga teachers at parateachers na gagabay sa mga magulang sa kanilang pagtuturo sa kanilang mga anak sa pag-aaral.
Kaugnay nito naghanda na rin ang Makati ng 85K learners package na may tig iisang On- The’ Go o OTG flash drive at printed modules.
Ibig sabihin para sa mga mag-aaral sa public elementary at high school kahit walang internet connection ay maaring magamit ang OTG flash drive dahil ito ay naglalaman ng digitized learning modules, tulad ng videos, illustrations at interactive exercises na dinebelop ng DepEd Makati.
Mayroon din itong digitized self-directed learning modules at video broadcast edition (VIBE).
Taglay ng OTG ang apat na iba’t ibang plugs na maaaring i-connect sa smartphone na android o IOS, tablet, laptop, desktop, pati na sa smart television.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay bibigyan din ng lokal ng pamahalaan ng libreng internet load limang oras kada araw ang mga mag-aaral upang ma-access din ang digitized lessons at iba pang references na nasa DepEd makati learning resources portal, pati na ibang online apps tulad ng google classrooms, facebook messenger, at google meet na magagamit sa online teaching at follow-up sessions.
Samantala good news naman para sa mga jeepney driver na nawalan ng trabaho sa lungsod ng Makati dahil sila ang magiging katuwang ngayon sa pagpapatakbo ng Makati Mobile Learning Hub.
Ang mga jeepney ay mag-iikot sa mga baranggay upang maghatid sa mga guro at librarian.