Ni Pol Montebon
KINUMPIRMA mismo ni San Juan City Mayor Francis Zamora na siyam na staff niya ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngunit nilinaw na wala silang anumang nagawang paglabag sa health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Sa kaniyang press briefing kahapon ng hapon, nilinaw ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nagpositibo ang lima nitong tauhan sa bahay habang apat naman mula sa city hall.
Kaugnay nito agad nilinaw ng alkalde ang pangyayari dahil sa napaulat na planong sampahan ng kaso ni Aloysius Santos si Zamora dahil sa paglilihim umamo ng alkalde sa mga nagpositibong kasamahan sa bahay.
Kinuwestiyon din ang hindi pagla-lockdown sa kanilang tahanan gayung may mga taong nag-positibo sa COVID-19 doon.
Pero, mariin naman itong pinabulaanan ni Zamora at sinabing nakausap na nila si Santos at nagsabi na ito na walang katotohanan ang isyu at wala rin umano siyang balak na maghabla laban sa alkalde.
Giit pa ng alkalde wala siyang inilihim sa insidente at agad itong ipinaalam sa kapitan ng barangay at village association.
Kasalukuyan nang inoobserbahan at sinusuri ang mga tauhan at ipinadala ng CHO sa quarantine facility upang maipagamot.
Aminado naman ang alkalde na hindi maiwasang mag-alala ang mamamayan nito dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 sa kanilang lugar.