Ni Melrose Manuel
MATAGUMPAY na nakapaglagay ang Philippine Olympic Committee (POC) President na si Abrahan “Bambol” Tolentino ng P180-million item sa “Bayanihan To Recover As One Act 2” para sa mga atleta at coach mula sa national team.
Dahil sa kakayahan ni Tolentino bilang congressman ng ika-limang distrito ng Cavite, nagawa nitong i-apila na matanggap ng mga miyembro ng national squad ang kanilang monthly allowance ng buo sa Bayanihan Act 2.
Ani Tolentino, naisama niya ang hindi natanggap na allowance ng mga atleta noong mga nagdaang buwan pati na ang sweldo ng mga coach hanggang December 2020 sa tulong ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Matatandaan na napuwersang bawasan ng Philippine Sports Commission ang sweldo ng mga atleta at coach nito ng 50% matapos na higit na bumaba ang monthly remittances mula sa Philippines Amusement and Gaming Corp (PAGCOR).
Dagdag ni Tolentino, plano din ng Bayanihan 2 na makapagbigay ng dagdag na P5,000-financial assistance para sa mga atleta at coach.