Ni MJ Mondejar
AABOT sa P1.49 bilyon ang halagang inilabas ng PhilHealth para sa mga ospital na may fraud cases sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM.
Sa naganap na pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability, sinabi ni Public Accounts Chairman Mike Defensor na 51 pagamutan na may kasong fraud ang binigyan ng state health insurer ng pondo ngayong may COVID-19 pandemic.
Tinatayang nasa 4,664 ang fraudulent cases ng mga pagamutan kung saan 3,806 na mga kaso dito ay ngayon lamang 2019 hanggang 2020.
Iginiit dito ni Defensor na hindi na dapat pang binibigyan ng pondo sa ilalim ng IRM ang mga ospital na may kaso.
Aniya ay dapat niresolba muna ang mga kaso bago binigyan ng pondo ang mga pagamutan.
Samantala, binatikos naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang PhilHealth dahil dapat ay sa claims lamang ginagamit ang pondo para sa interim reimbursement mechanism para sa COVID-19.