Ni Margot Gonzales
IMINUNGKAHI ni Senadora Imee Marcos na itaas ng gobyerno ang halaga ng credit assistance o loan program para sa mga Overseas Filipino Worker o OFW.
Ayon kay Marcos, mula sa unang panukala, masyadong maliit ang P50,000 na halaga para sa nasabing programa para sa mga OFW.
Panawagan nito na baka kayang itaas sa P100, 000 ang maaring ibigay na loan sa mga manggagawa sa ibayong dagat.
Mas mainam rin ayon sa senadora na gawin ang pagpapautang bago makaalis ng bansa ang OFWs o magkaroon ng pre departure loan para sa kanila.
Ayon naman kay OWWA Administrator Hans Cacdac maaring gawin ng OWWA ang nasabing mungkahi pero hindi aniya dapat asahan na lahat ng OFW ay mabibigyan ng nasabing halaga para sa loan.
Mungkahi ni Cacdac na maaring idaan sa contest ang pagbibigay ng 100 000 loan sa mga OFW.
Aniya maaring ang mga OFW na makakapagresenta o makakapagpasa ng pinakamagandang business plan ang maaring makakuha ng nasabing loan program.
Pero ayon kay Cacdac, kung nasa 100,000 OFW ang mag aaplay para sa contest ay nasa 10,000 lamang ang kanilang pipiliin.
Samantala kinumpira naman ni Cacdac na nasa 5 bilyon ang halagang inilaan ng DOLE para sa repatriation grant ng bansa para sa mga distressed OFW.
Pagbibida naman ni Cacdac, na mula sa 10, 000 na repat grant sa panahon ng dating administrasyon ay tumaas na ito ngayon.
Aniya nasa 20,000 pesos na ang halaga ng repatriation grant na ibinibigay ngayon ng gobyerno sa bawat distressed OFW.