Ni Melrose Manuel
HINDI sang-ayon si Sen. Sherwin Gatchalian na ipagamit ang nasa 17,910 classrooms sa National Capital Region bilang mga isolation facilities ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, dapat magtayo ng mga sariling evacuation centers ang mga Local Government Units (LGUs) na puwedeng magamit kahit anong oras na may kalamidad.
Sinabi pa ng senador na ang paggamit ng mga classrooms bilang evacuation centers ay dapat “a last resort” at para lang sa maikling panahon batay sa nakasaad sa Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act.
Napuna rin ni Gatchalian na tuwing may kalamidad ay ginagamit ng mga LGUs ang mga classrooms bilang pansamantalang tirahan ng mga apektadong mamamayan.
Ang patuloy na paggamit aniya ng mga classrooms bilang evacuation o isolation facilities ay hindi nakakatulong para magkaroon ng ligtas na paaralan para sa mga bata.