Ni Jimmy Mendoza
HINDI maaaring ibenta ang plasma ng mga nakaligtas o gumaling sa sakit na coronavirus o COVID-19.
Sa press statement, nilinaw ni Health Undersecretary and Spokesperson Dr. Maria Rosario Vergeire na hindi dapat ibinebenta ang plasma para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Pinaliwanag ni Vergeire na batay sa National Blood Service Act of 1994, ang mga dugo kasama ang plasma ay dapat kinokolekta mula sa volunteer donors.
Hindi aniya maaaring ibenta ang plasma at sinumang mahuhuling nagpapabayad at mapatunayang lalabag ay mahaharap sa kaso.
Binanggit ni Vergeire ang panganib na posibleng idulot nang pagbebenta ng plasma lalo na kung hindi naisalang sa tamang proseso ang taong pinagmulan ng plasma o dugo gaya ng pagkakaroon ng kumplikasyon sa taong tatanggap ng plasma.
Paalala ni Vergeie, ang mga otorisadong pasilidad para sa plasma donations ay ang Philippine Blood Center, Philippine Red Cross, St. Lukes Medical Center at Philippine General Hospital.
Hinihikayat ni Vergeire ang mga COVID-19 survivor na makipag-ugnayan sa mga nabanggit na pasilidad kung sakaling nais mag-donate ng kanilang plasma.