Ni Melrose Manuel
PANSAMANTALANG ipinatitigil ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapadala ng medical workers sa ibang bansa para matugunan ang pangangailangan ng puwersa para sa healthcare system ng Pilipinas laban sa coronavirus disease o COVID-19.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kung saan inaprubahan aniya sa IATF Resolution No. 64 ang temporary suspension ng medical deployment at allied workers sa gitna ng state of national emergency.
Gayunman, ipinabatid ni Roque na matagal nang suspendido ng IATF ang deployment ng health workers at iniulit lang nila ang katuturan ng naturang kautusan.
Matatandaang sinuspinde ng pamahalaan ang pagpapadala sa ibang bansa ng mga Pilipinong doktor, nurse at ibang health workers para mapreserba ang frontline nito laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, hindi pa alam ni Roque kung kailan mali-lift ang pansamantalang suspensyon.