Ni Jonnalyn Cortez
HINDI lamang mayaman ang Pilipinas sa kultura, sining, at magagandang tanawin kundi pati sa masasarap na pagkain at lutuin. Sa bawat probinsya sa Pinas, may iba’t-ibang putahe na maipagmamalaki. Hindi na nga bago rito ang pagkakaroon ng pyesta ng mga pagkain.
Kaya naman, bukod sa magagandang lugar, beaches, at bakasyunan sa bansa, isa sa mga dinadayo ay ang ating masasarap na pagkain. Kaya, heto ang ilan sa mga putaheng binabalik-balikan at dapat dayuhin ng marami sa ating bansa.
Putahe ng Luzon
Mula sa Luzon, kailangan matikman ng mga turista ang binungor na may sangkap na pinaghalo-halong kabote, kalabasa, bamboo shoots, murang langka, sitaw, sili, luya at sibuyas na may asin. Kilala ito sa Kalinga na pinakuluan sa gata ng niyog na may Agurong o river shell.
Pinagmamalaki rin ng Apayao province ang sinursor. Ito ay masasabing karaniwang pagkain ng komunidad ng Isneg. May sangkap itong iwat o eel, sanga ng saging, sili at dahon ng gabi na may asin. Niluluto ito sa sanga ng bamboo sa ibabaw ng panggatong. Ginagamitan ito ng mahabang stick bilang panghalo at masasabi lamang na luto na kung malapot na ang sabaw.
Lutuin ng Visayas
Mula naman sa Visayas ay ang culinary jewel ng Catbalogan, Samar, ang Tamalos. Maihahambing ito sa karaniwang tamales na mula sa Mexico, ngunit mas magarbo. Meron itong malalaking hiwa ng tyan ng baboy na pinakuluan sa suka at iba’t-ibang spices na nilagyan ng pipi-an o tamis-anghang na peanut sauce. Nakabalot ito sa lumpia wrapper at inilalagay sa pinainit na dahon ng saging upang pausukan.
Galing din sa Visayas ang masarap na putahe ng Siquijor, ang lauyang manok. Nilaga sa sanib o lokal na basil ang isang buong native na manok kasama ang iba’t-ibang uri ng spices. Sa hiwalay na lutuan, iiinit ang hiniwa ng laman ng manok na lalagyan ng gata ng niyog at ang tinatawag nilang “healing spices.” Ang resulta? isang napakasarap na sabaw na nag-aagaw ang tamis at anghang na hinaluan pa ng lasa ng sanib at malapot na gata.
Pagkain ng Mindanao
Ipinagmamalaki naman ng Mindanao ang sinuglaw mula sa Cagayan de Oro. Ang tinatawag nilang quintessential delicacy ay iniluluto sa dalawang paraan – sinugba o inihaw at kinilaw. Ang inihaw na tyan ng baboy ay hihiwain ng malalaki habang ang maliliit na sariwang isda naman ay hinahalo sa suwa (local lime), tabon-tabon sauce, at fresh spices. Ang tabon-tabon ay parang chico na hinihiwa sa gitna at kinakayod. Ihahalo naman ito sa bahal o niyog na ginawang suka na nasa unang baytang pa lang ng fermentation.
Sa panghuli, mula pa rin sa Mindanao ay ang nilof agul nun anuk ng ethnolinguistic group ng Blaan. Gawa ito sa forest chicken at napakaraming hiwa ng butil ng mais. Nilalagyan ito ng bawang o forest basil para pampalasa, scallion, luya, asin at spring water na niluluto sa sanga ng bamboo. Ang lasa? Meron itong kakaibang flavor at aroma na tiyak babalikbalikan ng marami.