Ni Jao Gregorio
IGINIIT ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na hindi rin pala masusunod ang sinasabing paperless class ng DepEd dahil sa milyon-milyong kailangang i-imprentang self-learning modules.
Base ani Recto sa kaniyang kumpyutasyon ay aabot sa 100 bilyon o nasa 9.3 bilyong pahina ang kailangang i-print ng DepEd para sa mga pampublikong mag-aaral na nakapag-enroll na.
Sa pinakahuling tala ng DepEd, nasa 21.5 milyong mag-aaral mula sa pampublikong paaralan ang kailangan ng learning modules.
Punto pa ni Recto, kailangan ng karagdagang pondo ng DepEd bukod pa sa pang-print ng learning modules.
Dahil kung ang isang pahina ay katumbas ng piso, aabot na agad sa P100-B ang kailangang pondo para sa printing pa lamang.
Samantala, iginiit ni Recto sa DepEd na gamitin sana nila ang class postponement para mai-handa na ang lahat ng kanilang kailangan para sa pagbubukas ng klase sa Oktubre a-singko.