Ni Margot Gonzales
SA nalalapit na pagbubukas ng klase ay nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga paaralan na gumawa ng matibay na mga polisiya para ma-combat ang cyberbullying at iba pang-aabuso sa mga bata na maaring makaapekto sa kanilang pag-aaral sa gitna ng pandemya.
Ilan aniya sa mga dapat gawin ng mga ito ay ang pagtatayo ng Child Protection Committees para malabanan ang pang-aabuso sa mga bata.
Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na dapat na maipatupad sa sususod na school year ang anti cyberbullying measures para sa mga bata.
Ayon kay Gatchalian sa ilalim ng Republic Act No. 10627 o ang Anti Bullying Act of 2013 ay kailangang ang lahat ng paaralan sa elementarya at sekondarya ay dapat na magkaroon ng mga polisiya para maiiwas ang mga mag aaral sa bullying o pang-aabuso.
Aniya dapat na mamobilize ang child protection committees para malabanan ang lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga bata.
Ang paglikha ng CPCS ay isang mandato na nakapaloob sa Dept. Order No. 40 Series of 2020 ng DepEd.
Ayon sa Senate Committee on Basic Education Arts and Culture Chair, kahit nananatili ang mga mag-aaral sa kanilang mga bahay, ay patuloy dapat ang mga hakbang upang protektahan ang mga ito dahil hindi aniya nawawala ang posibilidad na makaranas sila ng bullying at iba pang anyo ng pang-aabuso at karahasan.
Ayon sa mambabatas patuloy na laganap ang pang-aabuso at cyberbullying sa mga bata.
Ayon kasi sa National Baseline Study on Violence Against Children nasa 43.8 percent na mga bata na may edad na 13 hanggang 17 ang nakakaranas ng cyber violence. One third ng mga ito ay verbally abuse sa pamamagitan ng internet o cellphones, one fourth naman dito ay sa pamamagitan ng sexual messages.
2.5 percent naman ang nakakaranas na maiupload ang kanilang hubad na katawan sa internet, ito man ay totoo o pineke lamang.
Sa Programme for International Student Assessment o PISA 2018, lumabas naman na mula sa 79 countries, ang incident ng bullying ay pinakamataas sa Pilipinas na kung saan 65 percent na mga high school students ang nakakaranas ng bullying ilang beses sa isang buwan.
Lumabas din sa pag aaral ng PISA na may masamang epekto ang bullying sa performance ng bata sa klase.