Ni Cresilyn Catarong
SA kabila ng kaliwa’t-kanang panawagan na magbitiw si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales dahil sa umanoy anomalya sa ahensya, hindi na dumagdag pa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pasanin ng opisyal.
Ayon sa Palasyo, hindi ipi-pressure ng pangulo si Morales at hahayaan na lamang nitong magpasya ang PhilHealth chief kung nanaisin nitong tuluyan nang magbitiw sa pwesto.
Ikinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang sitwasyon ng kalusugan ni Retired General Ricardo Morales ng Philippine Health Insurance Corporation.
Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa gitna ng kinakaharap ni Morales na kontrobersiya at panggigisa dahil sa mga alegasyon ng korupsyon sa ahensyang kanyang pinangangasiwaan.
Ani Roque, ayaw ng punong-ehekutibo na makadagdag pa o magsilbing pressure sa president at chief executive officer ng PhilHealth dahil maliban sa gusot sa ahensya, ay may iniinda pa itong karamdaman.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo, masyadong mabait si Pangulong Duterte at hahayaan na aniya nito si Morales na magpasya kung tuluyan itong magre-resign.
Una rito, sinabi ni Roque na hindi na nakisali pa si Pangulong Duterte sa panawagan ng nakararami na mag-leave of absence ang opisyal.
Mas minarapat na lamang ng presidente na hintayin ang kalalabasan ng isinasagawang imbestigasyon ng task force hinggil sa umano’y anomalya sa PhilHealth.
Matatandaang naghain ng leave of absence si Morales dahil sumasailalim ito sa chemotherapy para sa sakit na cancer.
Mababatid na 30 araw matapos mabuo ang task force, dapat maisumite sa Office of the President ang mga nalaman at rekomendasyon ng panel.
Kabilang na rito ang mungkahing legal action laban sa mga madidiskubreng tiwaling mga opisyal at empleyado ng PhilHealth.