Ni Cresilyn Catarong
MARIING itinanggi ng Palasyo ang pahayag ni Senator Riza Hontiveros na nanghihimasok ang mga myembro ng gabinete sa mga hakbang na ginagawa ng mga Local Government Unit (LGU) pagdating sa pagresponde sa COVID-19 pandemic.
Una rito, inihayag ni Senator Risa Hontiveros na maituturing na isang toxic micromanagement ang naturang hakbang at mayroon din aniyang reports na nanghihimasok ang mga cabinet members sa barangay level.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mali ang naging interpretasyon ng senadora at wala aniyang nangyayaring panghihimasok.
Paliwanag pa ni Roque, nagbibigay lamang ng suporta ang mga opisyal ng gobyerno sa mga LGU, pero sa huli, ang mga alkalde pa rin ang siyang may huling desisyon sa mga hakbang na ipatutupad sa kani-kanilang lokalidad.
Sinabi naman ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., kailangan ng epektibong implementasyon ng COVID-19 measures hanggang sa barangay level.
Mababatid na pinaiimbestigahan ni Sen. Hontiveros sa Senado ang hakbang ng Inter Agency Task Force sa pagtalaga ng cabinet secretary sa bawat lungsod ng Metro Manila at mga karatig lalawigan upang imonitor ang kanilang COVID-19 response.
Kinuwestyon ni Hontiveros ang rationale sa pagpili ng gabinete na itinalaga sa kanilang LGUs partikular si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na itinalaga sa Pasay City at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sa inihain nitong Senate Resolution No. 495, pinasisiyasat ni Hontiveros sa Senado in aid of legislation ang IATF Resolution No. 62 na nagtatalaga sa cabinet secretaries sa iba’t ibang LGUs sa National Capital Region, Rizal, Bulacan, Laguna, at Cavite.